Pinaaaresto ng Senate Blue Ribbon Committee ang limang indibidwal na dawit sa sinasabing maanomalyang pagbili ng pamahalaan ng COVID-19 medical supplies.
Ito ay matapos na ma-cite for contempt ng komite sina dating Pharmally Biological Executive Rose Nono Lin, Gerald Cruz, Jayson Uson, Sophia Custodio, at Dennis Manalastas.
Kasunod ito ng hindi pagsipot ng lima sa pagdinig ngayong araw ng Senado.
Si Lin ay sinasabing may kaugnayan kay dating Pharmally financier at dating Presidential Economic Adviser Michael Yang.
Sina Cruz at Uson ay sinasabing mga dating opisyal ng Pharmally Pharmaceutical.
Si Custodio naman ay kasintahan ni Pharmally Executive Mohit Dargani, at pangulo ng Business Beyond Limits OPC na konektado sa Pharmally.
Habang si Manalastas ay opisyal ng Philippine United Technic Corporation, na sinasabing sangkot sa pagbili ng COVID-19 test kits ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).
Nanindigan din ang komite sa nauna nitong inisyung arrest order laban kay dating DBM Undersecretary Lloyd Christopher Lao.