Sunday, June 7, 2026

Dating CBCP President Cardinal David, ipinagtanggol si Fr. Flavie Villanueva sa akusasyong tumanggap umano ng mga maleta ng pera

Dinepensahan ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David si Fr. Flavie Villanueva sa kinakaharap nitong pagbatikos matapos idawit ng 18 nagpakilalang dating Marines na hinatiran umano nila ng maletang naglalaman ng pera.

Ayon sa kardinal, isang lingkod ng mga mahihirap si Fr. Flavie na inilaan ang buhay para sa dignidad ng tao.

Sinabi pa ni David na dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na matagal na niyang kilala ang naturang pari at nakita niya mismo ang pagtulong nito sa mga pinakamahihirap kabilang na ang mga biktima ng karahasan.

Makipagtulungan din aniya si Fr. Flavie sa Diocese of Kalookan para magbigay ng psychosocial at spiritual support sa mga pamilyang biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon pa kay David, hindi dapat sirain ang pangalan ng isang tao dahil lamang sa mga walang batayang akusasyon at dalangin daw niya na manaig ang katotohanan, pagiging patas at pagkakaroon ng due process.

Sinabi ng mga “maleta boys” na hinatid umano nila ang pera sa isang simbahan ng SVD sa Mindanao Avenue, Quezon City pero lumabas na walang ganitong nakatayo sa naturang lugar.

Facebook Comments