Sunday, June 7, 2026

Perang ibinigay ng abogado ni Atong Ang, isa sa gagamiting ebidensiya ng kaanak ng mga nawawalang sabungero sa reklamong obstruction of justice

Gagamiting ebidensiya ng ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero ang perang ibinigay umano sa kanila ng abogado ni Atong Ang.

Ayon kay Dianne Loyola, isa sa kaanak ng missing sabungeros, nakatanggap siya ng P30,000 mula sa abogado ni Ang na si Atty. Caroline Cruz noong Abril bilang tulong umano sa kanila.

Iniisa-isa na rin daw ang mga kaanak para hindi na dumalo sa mga pagdinig sa kaso laban kay Ang na itinuturong mastermind o utak sa pagkawala ng mga sabungero ilang taon na ang nakalipas.

Sabi ni Loyola, may iba na mas malaking halaga pa ang natatanggap at may mga nakalagay pa sa payroll.

Bukod sa pagbibigay ng pera, isinasama rin ang mga kaanak ng mga sabungero sa farm ni Ang para maglangoy at itinataon ito sa mismong araw ng hearing sa mga kaso.

Noong Biyernes nang pormal na magsampa ng reklamong obstruction of justice sina Loyola at iba pang pamilya ng missing sabungeros laban kay Cruz sa Department of Justice.

Facebook Comments