
Nasabat ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) ang mahigit P7 milyong halaga ng smuggled na sariwang carrots sa Port of Manila.
Ang mga shipment na dumating dumating noong Marso 22 at Marso 25, 2026 sa ilalim ng isang consignee.
Idineklara ito bilang iba’t ibang produktong pagkain, kabilang ang egg noodles, flat noodles, soya wrappers, fish tofu, at wakame salad.
Pero sa isinagawang joint inspection ng DA Inspectorate and Enforcement Office (DA-IE), Bureau of Plant Industry (BPI), at BOC , nakita ang nakatagong 12,909 kahon ng sariwang carrots sa mga karton ng egg noodles sa loob ng apat na container shipment.
Natuklasan din ng mga inspektor na malaking bahagi ng mga mga carrots ay nasira na at may malinaw na palatandaan ng amag, pagkabulok, at pinsala sa ugat.
Ayon sa mga awtoridad, hindi na ligtas kainin ang mga gulay at ipinapakita nito ang panganib sa kalusugan ng publiko na dulot ng mga iligal na inangkat na produktong agrikultural na nakalulusot sa wastong inspeksyon at quarantine procedures.
Na-forfeit na pabor sa pamahalaan ang mga shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Bukod dito, inihahanda na ang DA at BPI ang mga kasong may kaugnayan sa food safety at mga regulasyong pang-agrikultura laban sa mga responsable.
Nagkasundo rin ang mga ahensya na i-blacklist ang consignee upang hindi na ito makapag-angkat ng mga produkto sa bansa.
Kasalukuyan ding nagsasagawa ng karagdagang profiling upang matukoy ang iba pang mga indibidwal at organisasyong sangkot sa operasyon.
Ayon sa mga awtoridad, babawiin ang mga lisensya, rehistrasyon, at akreditasyon ng mga partidong sangkot sa insidente.










