508 BARANGAY SA REGION 1, PINARANGALAN NG SEAL OF GOOD LOCAL GOVERNANCE

Pinarangalan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 508 barangay sa Region 1, matapos nilang matagumpay na makapasa sa Seal of Good Local Governance for Barangay (SGLGB).

Mula sa kabuuang 3,267 barangay sa Ilocos Region, 508 ang nakatugon sa tatlong pangunahing aspeto ng mabuting pamamahala at isa man lang sa tatlong mahahalagang aspeto na itinakda ng DILG-Bureau of Local Government Supervision (DILG-BLGS).

Kabilang sa mga awardee ang 75 barangay mula sa Ilocos Norte, 191 mula sa Ilocos Sur, 119 mula sa La Union, at 123 mula sa Pangasinan.

Dahil dito, naitala ng Region I, ang pinakamataas na bilang ng mga pumasa sa buong bansa.

Nakapagtala rin ang rehiyon ng ikalawang pinakamataas na passing rate na 15.55%, halos doble ng pambansang passing rate na 7.82%.

Bukod pa rito, nananatiling nangunguna ang Rehiyon sa pagkakaroon ng pinakamaraming barangay na pumapasa sa SGLGB sa loob ng dalawang magkasunod na taon noong 2023 at 2024.

Ang SGLGB ay isang sistema ng pagtatasa at pagkilala sa mga barangay na may natatanging pagganap sa iba’t ibang larangan ng pamamahala. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments