Friday, April 17, 2026

6 na PCG Personnel at isang sibilyan, arestado sa anti-smuggling Operation sa Misamis Oriental; higit ₱3-M smuggled cigaretes, nasamsam

Arestado ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang anim na aktibong Philippine Coast Guard (PCG) personnel at isang sibilyan sa isinagawang anti-smuggling operation sa Coast Guard Sub Station sa Naawan,Misamis Oriental kaninang madaling araw.

Ayon sa pulisya, naaktuhan ang mga suspek na naga-unload ng mga kahon ng hinihinalang smuggled cigarettes mula sa isang fishing vessel at nilalagay ito sa isang L300 van.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa kabuuang 205 master cases ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng higit ₱3 milyon kasama ng sasakyan na ginamit sa nasabing ilegal na operasyon.

Ang lahat naman ng mga nakumpiskang items ay tinurn over sa Bureau of Customs (BOC) para sa tamang disposisyon habang ang mga naarestong suspek ay nasa kustodiya ng PNP Maritime Unit ng Misamis Oriental para sa dokumentasyon at pagpa-file ng kaukulang mga kaso.

Kaugnay nito, inatasan ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na tumulong sa pagbuo ng kaso para matiyak ang matibay na ebidensya na hahantong sa pagkakakulong ng anim na tauhan ng PCG.

Samantala, naipadala na ang ulat sa pamunuan ng PCG at kasalukuyang isinasagawa ang koordinasyon para sa masusing imbestigasyon sa nasabing insidente.

Facebook Comments