Thursday, April 16, 2026

Lagda sa partial report ng Blue Ribbon Committee ukol sa flood control scandal, nadagdagan ng dalawa

Nadagdagan ng dalawa pa ang bilang ng mga senador na lumagda sa partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, ang dalawang bagong lumagda sa report ay sina Senate President Vicente Sotto III bilang ex-officio member at BRC Vice Chair Erwin Tulfo.

Dahil dito, aabot na sa anim ang kabuuang bilang ng lumagda sa partial report, habang tatlo na lamang ang kinakailangan upang makumpleto ang sapat na pirma para maihain ito sa plenaryo.

Kabilang sa mga naunang lumagda sina Lacson na siyang chairman ng BRC, Senators Risa Hontiveros, Bam Aquino, at Kiko Pangilinan.

Dagdag pa ni Lacson, may dalawa pang senador mula sa mayorya na nagpahayag ng kahandaang lumagda sa report, ngunit hindi pa tinukoy kung sino ang mga ito.

Samantala, inamin din ni Lacson na may ilang senador sa mayorya na nag-aalinlangan pa ring lumagda matapos umanong pakiusapan ng kanilang mga dating kasamahan na huwag pumirma.

Una rito, pansamantalang sinuspinde ni Lacson ang susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa flood control anomalies hangga’t hindi pa nakakakumpleto ng kinakailangang pirma ang report.

Facebook Comments