Saturday, May 16, 2026

Mga pampasaherong jeep sa Maynila, balik-biyahe ngayong unang araw ng 3-day transport strike

Balik-biyahe na ang ilang mga jeep sa Maynila kasabay ng unang araw ng malawakang tigil-pasada ng ilang transport group.

Paraan pa rin ito ng paglalabas ng hinaing ng grupong Manibela at Piston dahil sa nananatiling mataas ang presyo ng petrolyo.

Hinihiling ng mga ito na ibalik sa hanggang P50 ang presyo ng kada litro ng krudo, ibasura ang oil deregulation law at suspendihin ang fuel excise tax at value added tax.

Pero sa Maynila partikular sa bahagi ng Kartilya, maraming jeep na ang pumapasada mula ngayong hapon bagama’t may mga naka-standby pa rin na sasakyan ng lokal na pamahalaan para tumugon sa mga maaapektuhang pasahero.

Sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez sa Kapihan sa Manila Bay na tuloy-tuloy ang pagbibigay ng fuel discount sa mga kwalipikadong tsuper na nagsimula kahapon.

Pagdating naman sa Service Contracting Program, sinabi ng kalihim na humihiling pa sila ng dagdag pondo upang mapalawig pa ito.

Inanunsyo rin ni Lopez na binabalangkas na ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Ports Authority ang panuntunan para sa pagpapatupad ng naturang programa sa maritime sector

Facebook Comments