
Apat na indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan mula Abril 19 hanggang madaling araw ng Abril 20, 2026.
Pinakamabigat ang kaso sa Balungao kung saan isang 38-anyos na laborer ang nasakote sa buy-bust operation bandang alas-7 ng gabi.
Bukod sa 0.26 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,768, nasamsam din sa suspek ang isang homemade kalibre .22 baril, mga bala, at buy-bust money.
Sa parehong araw, dalawang magsasaka naman, edad 53 at 35, ang naaresto matapos mahulihan ng kabuuang 0.3 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang ₱2,040 sa isinagawang operasyon sa San Fabian.
Nakuha rin sa kanila ang buy-bust money, cellphone, at isang tricycle.
Samantala, sa Sta. Barbara, isang 22-anyos na helper ang timbog sa buy-bust operation na tumagal hanggang madaling araw.
Nakumpiska sa operasyon ang 0.8 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱5,440, kasama ang buy-bust money at iba pang personal na gamit.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa posibleng ugnayan ng mga ito sa mas malawak na bentahan ng ilegal na droga sa lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










