
Ipinagmalaki ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang 99.7% Crime Clearance Efficiency rate ng 8 focus crime sa lungsod.
Ayon kay QCPD director PBGen Melecio Buslig Jr., mula sa 510 kaso noong Enero hanggang Abril 6, 2024, naging 434 na lamang ngayong taon, na nagresulta sa pagbaba ng 76 insidente o katumbas ng 14.90%.
Paliwanag pa ni Buslig na ang mga 8 focus crimes ay nagtala ng kapansin-pansing pagbaba, ang murder 31.03%, homicide 62.5%, physical injuries 26.53%, Rape 38.46%, theft 13.02%, at carnapping motor vehicles 30%.
Giit pa ni Buslig na ang lahat ng ito ay naging posible sa tulong ng Integrated Command Control, and Communication Center, kasama na ang Unified Intelligence and Investigation Center at Investigation Solution Automatic Verification, na nagproseso ng higit 2,176 request para sa facial recognition.
Higit pa rito, pinahalagahan ni Buslig ang pakikipag-ugnayan sa komunidad upang pagtibayin pa ang tiwala para sa isang ligtas at responsableng pamayanan.