
Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa loob ng 30 araw na operasyon ang siyam na unit ng kumpanyang nagmamay-ari sa bus na nasangkot sa aksidente sa Pagbilao, Quezon noong April 20 na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng tatlumpu’t isang iba pa.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, nagpalabas na rin sila ng show cause order laban sa operator ng bus na Delmonte Motor Works Incorporated.
Pinagsusumite rin ang kumpanya ng mga record ng maintenance lalo’t kailangan din na maisalang sa road worthiness check ang mga pampasaherong bus.
Kailangan din umano na sumalang sa drug test at sumailalim sa seminar sa public safety and driver ng naaksidenteng bus.
Itinakda naman ang unang pagdinig sa kaso sa May 7.
Facebook Comments










