
Binigyang-diin ng Malacañang ang desisyon ng Commission on Audit (COA) na pagtibayin ang utos na isauli ni Vice President Sara Duterte at ilang opisyal ng Office of the Vice President (OVP) ang P73 milyong ginamit mula sa confidential funds.
Ibinasura ng COA ang petisyon ng kampo ni Duterte para baligtarin ang notice of disallowance, kaya nananatiling kailangang ibalik ang naturang halaga.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na linisin ang pamahalaan sa korapsyon at papanagutin ang mga lumalabag sa batas.
Dagdag pa ni Castro, nararapat sundin ng kampo ng Bise Presidente ang pasya ng COA at isauli ang kinukuwestyong pondo.
Para sa Malacañang, ipinapakita ng desisyon ng COA na hindi sapat ang pahayag ng kampo ni Duterte na naging maayos at transparent ang paggamit ng pera.
Pinuri rin ng Palasyo ang mabilis na pagkilos ng COA at Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pagbusisi sa usapin.










