
Nangako si Senatorial Candidate Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. na isusulong ang isang panukalang batas na magbibigay ng karagdagang benepisyo para sa mga opisyal ng barangay, kabilang ang mga barangay tanod at iba pang manggagawa sa barangay, lalo na kung sila ay masugatan o magbuwis ng buhay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Ibinigay ni Abalos ang pahayag matapos masaksak hanggang sa mamatay ang isang kagawad ng Barangay habang namamagitan sa isang gulo sa New Lucena, Iloilo.
Ayon kay Abalos, hindi ito ang unang pagkakataon na may nasasaktan o nasasawi sa hanay ng mga opisyal ng barangay at tanod habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kaayusan at pagtugon sa mga sakuna.
“They are our frontliners in almost everything that threatens peace and order, and the safety of their constituents. Marami na tayong nabalitaan na nasaktan at nagbuwis pa nga ng buhay sa pagganap ng kanilang tungkulin,” saad ni Abalos.
‘Kaya hindi naman kalabisan na tiyakin naman ng gobyerno na hindi sila pababayaan,” binigyang-diin nito.
Kabilang sa mga karagdagang benepisyong nais isulong ni Abalos ay ang pagkakaroon ng sapat na pondo at agarang paglalabas nito sa mga pagkakataong may emerhensiyang medikal, pati na rin ang isang insurance system para sa mga opisyal at manggagawa ng barangay.
Bagama’t may ilang lokal na pamahalaan ang nagbibigay ng benepisyo sa mga opisyal ng barangay at mga manggagawa, sinabi ni Abalos na karamihan sa mga LGU ay hindi ito kayang gawin dahil sa kakulangan sa pondo.
“Ang gusto nating tiyakin ay magkaroon ng equal access to medical funds, insurance system at iba pang benefits para sa ating mga barangay officials, barangay tanod, health workers at iba pa,” saad ni Abalos.
“Yan ang ating pagtutuunan natin ng pansin sa Senado,” dagdag pa ni Abalos