Thursday, August 27, 2026

Access sa mas dekalidad na medical service, mas lumawak na matapos ang MOA ng PhilHealth at St. Luke’s Medical Center – Global city

Mas mapapalawak pa ang access ng mga Pilipino sa de-kalidad na serbisyong medikal matapos pormal na lumagda sa isang Memorandum of Agreement o MOA ang PhilHealth at St. Luke’s Medical Center – Global City, sa suporta ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., layunin ng kasunduang ito na mabigyan ang mas maraming Pilipino ng abot-kaya at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan, lalo na sa oras ng emergency.

Sinabi ng pangulo na mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng access sa world-class na serbisyong medikal sa ilalim ng No Co-Pay Policy ng PhilHealth para sa basic accommodation.

Sa ilalim ng kasunduan, maglalaan ang St. Luke’s ng hindi bababa sa 10 porsiyento ng kanilang bed capacity para sa mga kuwalipikadong PhilHealth members sa ilalim ng No Co-Pay Policy para sa basic accommodation.

Makikinabang dito ang mga pasyenteng nangangailangan ng advanced medical services nang walang karagdagang bayarin.

Ayon naman sa mga opisyal ng PhilHealth at St. Luke’s, inaasahang mapapalakas ng partnership na ito ang Universal Health Care program at mapapabuti ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa buong bansa.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ceremonial signing kasama sina DOH Secretary Dr. Edwin Mercado, DSWD Secretary Rex Gatchalian, PhilHealth Acting President at CEO Dr. Beverly Lorraine Ho at St. Luke’s Medical Center President at CEO Dr. Dennis Serrano.

Facebook Comments