
Inamin ni Office of the Vice President (OVP) Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio sa Senate Impeachment Court na walang mga resibo ang mga pinagbigyan ng confidential funds at hindi na inalam ang pinaggamitan ng pondo.
Sa direct examination ni Atty. Mae Divinagracia ng prosecution team, sinabi ni Ortonio na hindi nagsagawa ng actual procurement ang OVP.
Sa halip, dumepende ang OVP sa mga field operatives at informants sa pagbili ng medical at food supplies para sa pagsasagawa ng confidential activities.
Kinwestyon ni presiding officer Chiz Escudero si Ortonio kung ibinigay direkta sa mga recipient ang confidential funds at hinayaan na lamang ang mga ito sa sinabing ibibili ng pagkain o gamot ang iniabot na confidential fund.
Kinumpirma ni Ortonio na ganito nga ang nangyari at ito rin ang impormasyong ibinigay sa kanila ng kanilang security officer.
Maliban dito, wala ring resibo ang pinambili ng tables and chairs at binayaran ng cash ang mga informants para sila na ang bumili ng kailangan.
Kabilang sa mga pangalan ng informants ma pinagbigyan ng confidential funds na walang official receipt ay sina Miggy Mango, Mary Grace Piattos, Xuniso P. Belat, Timon Andrew Pusa, Antonio Pagong at Beverly Pampano na nakatanggap ng P50,000 hanggang P130,000.










