
Umaapela sa gobyerno ang iba’t ibang grupo ng magbababoy na ibalik ang mas mataas na taripa sa imported na karneng baboy.
Ito ay ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines Inc., Philippine Pork Council Alliance Inc. at Agricultural Sector Alliance Party-list para tugunan ang labis-labis na importasyon ng karneng baboy.
Sa tala ng mga magbababoy, umakyat sa 891 milyong kilo ng baboy ang pumasok sa bansa noong 2025 kumpara sa 610 milyong kilo noong 2023 at 774 milyong kilo noong 2024.
Mula sa kasalukuyang 15% na in-quota at 25% na out-quota tariff rates, dapat anilang ibalik ang taripa sa dating 30% at 40%.
Hiling nina AGAP Party-list Rep. Nikki Briones, Eric Harina ng Propork, at sina Fritz Chua at Rolando Tambago ng PPAI na dapat ipagpatuloy ang pagbabakuna sa mga baboy laban sa African Swine Fever at ipatupad ang Animal Industry Development and Competitiveness Act.
Hirit din nila ang paghihigpit sa bentahan ng frozen na karneng baboy at iba pang pork products para masiguro na ligtas kainin ang mabibili ng mga mamimiling Pilipino, kung saan mas maiging bumili ng mga baboy para makatulong sa lokal na industriya.
Bukod dito, pinuri naman ni Rep. Briones ang mga pulis, iba pang awtoridad, veterinarian at iba pang tauhan ng pamahalaan na tumulong sa pagpapatupad ng RA 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.










