
Umapela si Senator-judge Migz Zubiri sa Commission on Audit (COA) na maglabas na ng final findings kaugnay sa isinasagawa nilang imbestigasyon sa paggamit ni Vice President Sara Duterte ng confidential fund.
Sa manifestation ni Zubiri, sinabi niya na mas makatutulong sa pagtalakay at pagdedesisyon ng mga senator judges kung magkakaroon na ng final ruling ang COA.
Hirap din aniya na makakuha ng sagot sa mga testigo dahil sa nakabinbin na “motion for reconsideration” ng Office of the Vice President (OVP) sa COA kaugnay sa notice for disallowance.
Iginiit ng senator judge na ang COA ang final arbiter sa usapin ng posibleng iregularidad sa paggamit ng pondo ng mga ahensya ng gobyerno.
Ipinaliwanag naman ni Impeachment Court Presiding Officer Francis Chiz Escudero na independent constitutional commission ang COA kaya’t hindi nila ito maoobligang sumunod sa kanilang kagustuhan.










