
Hinimok ni Vice President Sara Duterte (VPSD) ang mga prosecutor at miyembro ng Kongreso na patunayan ang mga alegasyon laban sa kanya gamit ang matibay na ebidensya at hindi sa pamamagitan ng pang-iinsulto, espekulasyon, o political theatrics.
Sa inilabas na pahayag ngayong araw August 26, sinabi ni VPSD na ang dalawang impeachment complaint laban sa kanya ay inihain umano nang walang sapat na ebidensya.
Aniya, hindi dapat naghahanap pa ng ebidensya ang mga nagsusulong ng impeachment habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Iginiit din ng bise presidente na ang pagtawag sa kanya bilang “mastermind of a scam,” gayundin ang iba pang mapanirang pahayag, ay hindi nakatutulong upang mapatunayan ang anumang kaso o makapaglatag ng ebidensya.
Giit ng pangalawang pangulo, ang isang matibay na kaso ay hindi nangangailangan ng mga palabas o drama kundi ng malinaw at kapani-paniwalang ebidensya.
Sa huli, sinabi niya na mas dapat umanong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga suliraning kinahaharap ng bansa, kabilang ang pagbaha at kahirapan, kaysa sa mga usaping pulitikal.










