AGRO-ECOSYSTEM ANALYSIS, NAGPAPATULOY SA 100-HECTARE MODEL FARM SA SAN QUINTIN; MGA PESTE SA PALAY, NAMATAAN

Patuloy na minomonitor ng Municipal Agriculture Office (MAgO) ang 100-hectare Model Farm sa mga barangay ng Lumayao at Bolintaguen sa bayan ng San Quintin, Pangasinan, bilang bahagi ng regular na pagsusuri sa kondisyon ng mga pananim.

‎Isinasagawa ang Agro-Ecosystem Analysis (AESA) upang matukoy ang kalagayan ng mga tanim na palay, kabilang ang presensya ng mga peste na maaaring makaapekto sa paglaki at pagbuo ng mga butil.


‎Batay sa pinakahuling monitoring, nasa reproductive phase na ang mga tanim na palay sa lugar. Sa yugtong ito, masusing sinusuri ang mga pananim upang maagapan ang posibleng pinsala dulot ng mga pesteng maaaring makaapekto sa ani.

‎Namataan sa isinagawang pagsusuri ang whorl maggot at stem borer sa ilang bahagi ng mga palayan. Bilang tugon, nagsagawa ang MAgO ng pamamahagi ng insecticide bilang bahagi ng mga hakbang upang makontrol ang presensya ng mga peste.

‎Ayon sa MAgO, mahalaga ang regular na AESA bilang batayan sa pagbibigay ng angkop na rekomendasyon at intervention sa mga magsasaka, partikular sa pagtukoy at pagtugon sa mga problemang maaaring makaapekto sa produksyon ng palay.


‎Bukod sa 100-hectare Model Farm sa Lumayao at Bolintaguen, isinasagawa rin ang AESA sa 10-hectare Corporate Farm sa Barangay Nangspugan.


‎Sa pamamagitan ng patuloy na monitoring, layunin ng lokal na agriculture office na maagapan ang pagdami ng mga peste at makatulong sa pagpapanatili ng maayos na kondisyon ng mga palayan tungo sa mas produktibong ani. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments