Isinusulong ng Bayan ng Bolinao ang mas organisado at responsableng pamamahala sa turismo sa pamamagitan ng Revised Bolinao Tourism Code of 2026.
Isinagawa ng Lokal na Pamahalaan ng Bolinao, sa pamumuno ni Municipal Mayor Jesus F. Celeste, ang isang pampublikong konsultasyon o public hearing.
Dinaluhan ito ng mga miyembro ng Bolinao Tourism Coordinating Council at iba’t ibang tourism stakeholders upang talakayin ang mga panukalang pagbabago sa Tourism Code.
Ayon kay SB Committee Chair on Tourism Councilor Greg Celeste, mahalaga ang isang napapanahon at tumutugon na Tourism Code upang matugunan ang kasalukuyang pangangailangan at direksyon ng industriya ng turismo sa bayan.
Inilahad naman ni Tourism Officer Mary D. Suarez ang mga iminungkahing probisyon na nakatuon sa pagpapalakas ng tourism management, pagpapabuti ng serbisyo, at pangangalaga sa likas at kultural na yaman ng Bolinao.
Layunin din ng mga pagbabago na isulong ang sustainable at inclusive tourism development.
Sa open forum na pinangunahan ni SB Secretary Atty. Juan Ayar Montemayor, naglahad ng kanilang mga alalahanin, mungkahi at paglilinaw ang mga stakeholder hinggil sa panukalang code.
Binigyang-diin naman ni SB Co-Chairman on Tourism Gerald Quil Abad ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga tourism stakeholder sa paghubog ng mga patakaran para sa industriya.
Sa pamamagitan ng konsultasyon, nais ng pamahalaang bayan na matiyak na ang bagong Tourism Code ay nakaayon sa pangangailangan ng komunidad, mga turista, at tourism industry.
Bahagi ito ng hakbang ng Bolinao tungo sa mas maayos, sustainable at responsableng turismo, kasabay ng pangangalaga sa likas at kultural na yaman ng bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










