Ayon sa Lokal na Pamahalaan ng Dagupan City, bumaba ang Reading Proficiency ng mga mag-aaral, partikular sa mga Daycare students.
Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi ni Dr. Marciano U. Soriano Jr., PhD, CESO VI, Schools Division Superintendent na isa sa mga tinitignang sanhi ng paghina ng kakayahan sa pagbasa ng ilang mag-aaral ay dahil sa kakulangan ng gabay sa online classes noong panahon ng pandemya.
Dagdag pa niya, mas naging sensitibo ang ilang mag-aaral sa pagsita o pagdidisiplina ng kanilang mga guro kaya’t nagiging suliranin ang paggabay sakanila na kung minsan ay nagdudulot din ng reaksiyon mula sa kanilang mga magulang.
Binigyang-diin ni Dr. Soriano ang kahalagahan ng ugnayan at pagtutulungan ng mga guro at magulang para gabayan ang mga bata sa pagbabasa at pagkatuto.
Bukod dito, isa sa mga nakikitang solusyon ng DepEd sa pagbaba ng reading proficiency ang paggamit ng makabagong teknolohiya tulad ng Artificial Intelligence o AI sa mga ginagamit na learning materials.
Ayon naman kay Dagupan City Mayor Belen Fernandez, kabilang sa mga hakbang na isinagawa ng lokal na pamahalaan ang paglalagay ng mga Smart TV sa mga silid-aralan para sa mas malawak na access sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Patuloy namang naghahanap ang LGU Dagupan at mga paaralan sa lungsod ng mga konkretong solusyon upang mapataas ang antas ng reading proficiency ng mga mag-aaral at matiyak na mabibigyan sila ng dekalidad na edukasyon para sa kanilang kinabukasan, lalo na ngayong nalalapit ang pagbubukas ng panibagong taong panuruan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








