
Kinumpirma ni Chairman George Erwin Garcia na nag-isyu na ng subpoena ang Commission on Elections (COMELEC) Law Department laban kay Lawrence Lubiano, ang presidente ng Centerways Construction and Development Inc. at campaign contributor ni Senator Chiz Escudero noong 2022 elections.
Ito’y may kaugnayan sa reklamong inihain ni Atty. Jesus Falcis laban sa senador dahil umano sa paglabag sa Omnibus Election Code matapos tumanggap ng P30 million campaign donation mula sa isang contractor noong panahon ng kampanya.
Ayon kay Chairman Garcia, inuna nilang ipinatawagg ang mga contractor o contributor bago ang mismong kandidato na nagbigyan ng donasyon.
Sa naunang motu proprio investigation ng Political Finance and Affairs Department o PFAD, naibasura ang kaso matapos makita na hindi paglabag sa Omnibus Election Code ang P30 milyong donasyong ibinigay ni Lubiano kay Escudero dahil magkaibang legal na entidad ang contractor at ang kumpanya.
Pero sabi ni Garcia, walang epekto ang resulta ng imbestigasyon ng PFAD sa law department dahil sa kaso ngayon ay may nagreklamo at sinusuportahan ng mga dokumento at ebidensya.










