Naging sentro ng pagdiriwang ng 52nd Nutrition Month sa Region 1 ang Alaminos City matapos matagumpay na idaos ang Joint Regional and City Nutrition Month Launching noong Martes, Hulyo 7.
Target ng mga organizer na makalikom ng hindi bababa sa 300 kalahok mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at mga katuwang sa pagsusulong ng mga programang pangkalusugan at nutrisyon.
Ayon sa Officer-in-Charge ng National Nutrition Council (NNC) Region 1, taon-taong isinasagawa ang regional launching sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.
Aniya, napili ngayong taon ang Alaminos City bilang host dahil sa patuloy nitong pagpapatupad ng iba’t ibang programang pangkalusugan at pangkalikasan.
Tinalakay ang epekto ng climate change sa nutrisyon gayundin ang mga hakbang sa pagkakaroon ng masustansya at abot-kayang pagkain sa ilalim ng temang Nutrisyon at Kalikasan: Ating Pangalagaan.
Ilan pa sa mga aktibidad ang pledge of commitment, nutrition counseling, medical services, information booths, at pagtatampok ng mga lokal na produkto.
Samantala, iginawad din ang Alaminos City Gawad Parangal ng Nutrisyon 2026, kung saan kinilala ang mga indibidwal, barangay nutrition committees at nutrition scholars sa lungsod.
Pinangunahan ang aktibidad ng Department of Health Center for Health Development Region 1 at NNC Region 1, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Alaminos.
Nagbigay din ng mensahe si Alaminos City Mayor Arth Bryan Celeste sa pagpapahalaga ng lungsod sa mga programang pangkalikasan at kalusugan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










