Monday, May 25, 2026

Alegasyon ng pagsusulong ng Cha-Cha para maharang ang pagtakbo ni VP Sara Duterte sa 2028, itinanggi ng minorya

Pinabulaanan nina Senate Minority Leader Tito Sotto III at Senator Ping Lacson ang akusasyon ni Senator Imee Marcos na may balak ang minorya na isulong ang charter change sakaling makuha ang numero para maging mayorya.

Sa Facebook post ni Sen. Imee, sinabi niyang may nangyaring pulong sa isang hotel at pinagusapan dito ang pagamyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng Constitutional Assembly para maharang ang pagtakbo ni Vice President Sara Duterte sa 2028.

Pero giit ni Sotto, mukhang hindi marunong makinig ang source ng senadora dahil wala namang pinagusapang harangin ang presidential bid ni VP Duterte.

Isa lamang aniya itong “friendly talk” at ang pagkakasabi pa niya ay kung sakali mang may amyendahan sa Konstitusyon, ito ay babaan ang edad ng Presidente at mga senador.

Iginiit ni Lacson na wala silang napagusapan na palitan ang liderato para maitulak ang Con-ass at tuluyang ma-convict ang bise.

Mas pangunahing concern aniya ng Solid Bloc 11 o SB11 ang ibangon at makapagsimula muli ang Senado at ang pagpapalit ng liderato para maibangon ang institusyon mula sa mga sunud-sunod na isyu.

Facebook Comments