ANIM NA PDL, KASAMA SA IKA-47 PANGKALAHATANG PAGTATAPOS NG PSU

Isang makasaysayang tagumpay ang naitala matapos magtapos ang anim na Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa Alaminos City Jail sa Pangasinan State University (PSU) Lingayen Campus sa ginanap na Ika-47 Pangkalahatang Pagtatapos ng unibersidad na may temang, “PSUnian na Hinubog sa Integridad, Handa para sa Makatao, Makabayan, at Marangal na Serbisyong Glokal.”

Sa panayam ng IFM News Dagupan kay PSU President Dr. Elbert L. Galas, sinabi nitong nabigyan ng pagkakataon ang mga PDL na makapagtapos ng kolehiyo sa kabila ng kanilang kasalukuyang kalagayan sa pamamagitan ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP).

Ayon pa kay Galas, magkakaiba ang degree na natanggap ng mga nagtapos batay sa kanilang karanasan sa trabaho at sa mga rekisitong kanilang natugunan sa ilalim ng programa.

Sumailalim din sila sa pag-aaral gamit ang mga module at iba pang akademikong requirements bago sila naging kuwalipikadong magtapos.

Bukod sa anim na PDL, nagtapos din ang isang released PDL sa ilalim ng parehong programa. Ipinakita ng kanilang tagumpay na hindi naging hadlang ang pagkakapiit upang maipagpatuloy ang pag-aaral at makamit ang isang college degree.

Ayon sa pamunuan ng PSU, ang pagtatapos ng mga PDL ay sumisimbolo ng pag-asa, pagbabagong-buhay, at panibagong simula.

Patunay rin ito na ang edukasyon ay nananatiling susi sa personal na pag-unlad, rehabilitasyon, at matagumpay na pagbabalik sa lipunan para sa mga taong nagnanais magbago at magkaroon ng mas magandang kinabukasan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments