Naging mainit na usapin sa Pangasinan ang sunod-sunod na online bomb threats na nakaapekto sa ilang paaralan at iba pang establisimyento.
Dahil dito, maraming klase ang pansamantalang itinigil o isinuspinde, habang may ilang estudyante naman ang hindi na pumasok dahil sa takot.
Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III, sinabi nitong may kaakibat na legal na pananagutan ang sinumang nagpapakalat ng bomb threats at iba pang banta sa pamamagitan ng internet, lalo na sa social media.
Ayon kay Torre, ang mga ganitong uri ng pagbabanta ay may kaugnayan sa usaping terorismo kaya agad itong tinutugunan ng mga awtoridad.
Aniya, mabilis na nakikipag-ugnayan ang mga law enforcement agencies upang matukoy ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon at maberipika ang kanilang pagkakakilanlan.
Sinabi rin niya na katuwang ng Philippine National Police (PNP) ang MMDA sa pagpapatupad ng mga programa para sa public safety at law and order, partikular sa National Capital Region.
Kabilang sa kanilang mga inisyatiba ang pagpapalawak ng security awareness programs sa mga paaralan upang maturuan ang mga mag-aaral at guro kung paano tumugon sa mga banta at mapanatili ang kaligtasan sa loob ng mga eskwelahan.
Ibinahagi rin ni Torre na maaaring tumawag ang mga kabataan at miyembro ng komunidad sa hotline 136, dial 3, kung nangangailangan sila ng gabay, payo, o makakausap kaugnay ng kanilang mga suliranin.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagiging mapanuri sa paggamit ng internet sa pamamagitan ng paalalang “Think Before You Click.” Aniya, makatutulong ito upang makaiwas sa cyber threats, online violence, at mga scam.
Hinikayat niya ang publiko na huwag basta magpalinlang sa mga nakikita online at ugaliing maging mapagmatyag, mapanuri, at kritikal sa bawat impormasyong kanilang nababasa at ibinabahagi. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










