Thursday, July 30, 2026

Posibleng ugnayan ng mga social media account na nasa likod ng umano’y kaguluhan sa SONA at 2 insidente ng pagkakarekober ng IED sa Senado at DOJ, sinusuri na rin ng PNP

Sinusuri na rin ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng ugnayan ng mga social media account na nasa likod ng umano’y kaguluhan sa State of the Nation Address (SONA) at dalawang insidente ng pagkakarekober ng Improvised Explosive Device o IED sa Senado at Department of Justice (DOJ).

Nabatid na nauna nang isiniwalat ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na natukoy na nila ang siyam na social media account na umano’y may kaugnayan sa mga hacker group na sinasabing nanghikayat ng kaguluhan sa publiko at pagtitipon ng mga tao sa panahon ng SONA ng pangulo noong July 27.

Kung saan naipatanggal na ang mga naturang account matapos matukoy ng mga awtoridad ang kanilang digital data bilang ebidensya sa imbestigasyon at maipasa ito sa mga law enforcement agency.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. nakikipag-ugnayan na ang Anti-Cybercrime Group (ACG) sa CICC para matukoy ang nasa likod ng mga online accounts na ito.

Ayon pa sa kanya, nirerespeto nito ang karapatan ng bawat isa sa pamamahayag ngunit magbibigay sila ng kaukulang aksyon laban sa mga indibidwal na gumagamit ng mga digital platforms para manghikayat ng karahasan.

Kaugnay nito, maaaring maharap sa mga kaso kabilang ang computer fraud, identity theft, grave threats, at inciting to sedition o rebellion ang mga mapapatunayang nasa likod nito.

Facebook Comments