Thursday, June 18, 2026

ANIM PATAY, 20 SUGATAN SA AKSIDENTE NG MINI DUMP TRUCK AT SUV PICKUP SA LABRADOR

Anim na katao ang nasawi habang 20 naman ang sugatan sa isang malagim na aksidente na kinasangkutan ng isang mini dump truck at SUV pickup sa Mountain Trail Road sa Barangay Bolo, Labrador, Pangasinan nitong hapon ng Hunyo 16.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Labrador Municipal Police Station (MPS), bumababa sa isang matarik at palikong bahagi ng kalsada ang SUV pickup na may sakay na 12 katao nang mawalan umano ng preno ang kasunod na mini dump truck na may tinatayang 25 sakay.

Ayon sa mga nakaligtas na isinugod sa ospital, nahagip ng mini dump truck ang kaliwang bahagi ng SUV pickup dahilan upang mawalan ito ng balanse at tumagilid sa gilid ng kalsada.

Matapos ang banggaan, nagpatuloy umano sa pagdausdos ang mini dump truck bago tuluyang nahulog sa bangin, na naging sanhi ng pagkasawi ng anim na sakay nito, kabilang ang driver at ilan sa kanyang mga kasamahan.

Kinumpirma ni MDRRMO Reggie Escaño na anim ang nasawi sa insidente habang umabot sa 20 katao ang nagtamo ng iba’t ibang sugat at pinsala. Kabilang sa mga nasugatan ang katabi ng driver ng SUV pickup na umano’y napilitang tumalon upang makaiwas sa mas malalang pinsala.

Wala namang naitalang nasawi sa panig ng mga sakay ng SUV pickup.

Bilang tugon sa insidente, pansamantalang ipinahinto ng lokal na pamahalaan ang operasyon ng mga manggagawa sa solar project sa lugar habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng aksidente.

Tiniyak naman ng mga awtoridad ang agarang pagbibigay ng tulong at suporta sa mga pamilya ng mga nasawi at sa iba pang mga biktima na patuloy na nagpapagaling. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments