Monday, June 15, 2026

Mas maraming pasyente, makikinabang sa ginanap na blood donation activity sa Tala Hospital katuwang ang RMN Foundation at DZXL News

Mas maraming pasyente na nangangailangan ng dugo ang maaari ng makakuha nito ng libre sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium o Tala Hospital sa Caloocan City.

Ito’y matapos na makolekta ng karagdagang suplay ng dugo sa ginaganap na blood donation activity sa nasabing hospital.

Bahagi ang aktibidad ng World Blood Donor Day kung saan ayon kay Dr. Ivy Marie Viola-Cruz, ang head ng Pathology Department ng Tala Hospital, malaking tulong ito sa mga pasyenteng kailangan ng dugo para makatulong sa paggaling sa kanilang karamdaman.

Sinabi ni RMN Foundation Corporate Social Responsibilty Manager Patrick Aurelio, bahagi ang aktibidad ng mga programa na isinusulong ng RMN Foundation na matulungan ang mga nangangailangan sa mga ganitong paraan.

Bukod sa mga personnel at medical staff ng Tala Hospital, nag-donate rin ng dugo ang ilang mga pribadong indibidwal, mga empleyado ng ahensiya ng pamahalaan, RMN Foundation at DZXL News kung saan nasa 40 ang bilang ng mga nakapag-donate na ng dugo.

Facebook Comments