
Kasabay ng pagdiriwang ngayong araw ng ika-128 Independence Day ng Pilipinas, muling pumalag ang Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa natuklasang istruktura ng China sa Bajo de Masinloc.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, hindi pinalalaki ng Pilipinas ang isyu kaugnay sa istruktura sa teritoryong sakop ng bansa.
Malinaw aniya na nakita, natukoy ang lokasyon, at nakuhanan ng aerial images ang naturang istruktura bago ito isinapubliko.
Binigyang-diin ni Tarriela na hindi ito pagpapakalat ng maling impormasyon kundi bahagi ng transparency.
Ipinunto rin ng opisyal ang nangyari noon sa Mischief Reef kung saan una umanong sinabi ng China na para lamang sa mga mangingisda ang mga itinayong pasilidad pero makalipas ang ilang taon ay naging artificial at militarized island na ito kahit nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Dahil dito, sinabi ni Tarriela na hindi pwedeng basta tanggapin ang sinabi ng China na normal lamang ang mga aktibidad nito sa Bajo de Masinloc.
Nanawagan din siya sa China na alisin ang naturang platform, itigil ang paglalagay ng mga buoy at communication tower, at igalang ang 2016 Arbitral Award at mga karagatang sakop ng Pilipinas sa ilalim ng international law.










