Wednesday, June 17, 2026

Bagong majority bloc, nagkasundo na si Senator Chiz Escudero ang italagang presiding officer ng Senate Impeachment Court

Nagkasundo umano ang majority bloc ng Senado na ihalal si Senator Chiz Escudero bilang presiding officer ng Senate Impeachment Court.

Ayon kay Senator Ping Lacson, batay sa kanilang naging consensus kaninang umaga ay itatalaga nilang presiding officer si Escudero oras na mag-convene sila bilang Impeachment Court sa July 6.

Ibig sabihin, hindi si Senate President Win Gatchalian ang magpe-preside sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Nang tanungin si Lacson kung bakit si Escudero ang napili, ito ay dahil abogado at may karanasan sa impeachment process ang naturang senador.

Sinabi pa ni Lacson na si SP Gatchalian din ang nagbigay suhestyon na si Escudero ang gawing presiding officer ng Impeachment Court.

Nilinaw ni Lacson na hindi ito kasama sa negosasyon nang lumipat sa mayorya si Escudero kundi sarili nilang desisyon dahil kailangan may basic knowledge sa batas ang presiding officer at may mga pagkakataon pa na kailangan mag-rule agad-agad oras na may mag-mosyon.

Facebook Comments