ANIM, NASAWI MATAPOS LAMUNIN NG APOY ANG DALAWANG BAHAY SA URDANETA CITY

Labis ang pagdadalamhati ng mga kaanak ng anim na nasawi matapos sumiklab ang sunog na tumupok sa dalawang magkatabing bahay sa Zone 2, Brgy. Nancayasan, Urdaneta City bandang alas-2 ng madaling araw noong Lunes, Abril 20, 2026

Ayon sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) Urdaneta, nagsimula umano ang apoy sa kusina ng isa sa mga bahay kung saan unang napansin ang makapal na usok ng isang residente.

Pagbaba nito, tumambad ang apoy na mabilis kumalat at tuluyang nilamon ang buong kabahayan hanggang madamay ang katabing bahay.

Agad rumesponde ang mga bumbero at pulis, ngunit tumagal hanggang alas-4:49 ng madaling araw bago tuluyang naapula ang sunog.

Sa kasamaang-palad, anim na residente ang na-trap sa loob at nasawi kabilang ang dalawang bata at apat na matanda.

Iniimbestigahan pa ng BFP ang sanhi ng sunog habang inaalam pa ang kabuuang pinsala.

Sa gitna ng pagluluksa, nananawagan naman ng kaunting tulong ang mga naulilang kaanak ng mga biktima para sa kanilang pagbangon mula sa trahedya.

Facebook Comments