Sunday, April 19, 2026

𝗠𝗚𝗔 𝗠𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗟𝗔𝗬𝗟𝗔𝗬𝗔𝗡, 𝗧𝗔𝗥𝗚𝗘𝗧 𝗡𝗚 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗟𝗔𝗪𝗔𝗞 𝗡𝗔 𝗣𝗥𝗢𝗚𝗥𝗔𝗠𝗔 𝗡𝗚 𝗗𝗢𝗟𝗘 𝗥𝗘𝗚𝗜𝗢𝗡 𝗜𝗜

CAUAYAN CITY- Naglatag ng mahahalagang ulat ang Department of Labor and Employment Region II (DOLE) hinggil sa kanilang flagship program na naglalayong palakasin ang kabuhayan ng mga mamamayan sa Cagayan Valley.

Sa isinagawang talakayan sa Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran (UP UP) Cagayan Valley, katuwang ang Tactical Operations Group 2, binigyang diin ni Liezel Magno Supervising Labor and Employment Officer ng DOLE Region II, ang DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP), partikular ang “Kabuhayan Program,” na nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga indibidwal at grupo.

Ayon sa ulat, maaaring umabot hanggang ₱50,000 ang ipinagkakaloob na puhunan para sa mga indibidwal, habang hanggang ₱1 milyon naman para sa mga organisadong grupo o samahan.

Lumalabas rin sa datos ang mga naging tagumpay ng programa para sa taong 2025. Sa buong Region 2, umabot sa 137 benepisyaryo ang nabigyan ng livelihood assistance, habang sa lalawigan ng Isabela ay may 100 indibidwal ang direktang natulungan sa pamamagitan ng nasabing programa.

Ang ganitong hakbang ay bahagi ng programa ng DOLE Region II upang mapalawak ang saklaw ng kanilang mga programa upang mas marami pang mamamayan ang makinabang, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Sa huli, hinihikayat ng ahensya ang publiko na makilahok at samantalahin ang mga programang inilaan ng pamahalaan upang makapagsimula o mapalago ang sariling kabuhayan.

Facebook Comments