Nakatanggap na ng tig-P3,000 fuel subsidy ang kabuuang 1,713 mangingisda sa Ilocos Region mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) hanggang Abril 20, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay BFAR-1 information unit head Jamille Anne Estolas, 94 sa mga benepisyaryo ay mula sa Ilocos Norte, 316 sa Ilocos Sur, 296 sa La Union, at 1,007 sa Pangasinan. Ipinamahagi ang ayuda sa pamamagitan ng cash cards ng mga mangingisda.
Samantala, sinabi ni BFAR-1 training division officer-in-charge Martin Allayban na patuloy ang pagpaparehistro sa ilalim ng BoatR program, kung saan mahigit 20,000 mangingisda na sa rehiyon ang nakatala. Layunin ng programang ito na mapalakas ang rehistrasyon ng maliliit na bangka at gamit sa pangingisda alinsunod sa umiiral na batas.
Dagdag pa ni Allayban, tinatayang 80 porsyento ng mga rehistradong mangingisda ay nakatanggap na ng kaparehong subsidiya noong nakaraang taon, habang inaasahang makukumpleto ang pamamahagi sa natitirang benepisyaryo. Mayroon ding top-upna mekanismo upang makatanggap muli ng ayuda ngayong taon.
Nauna nang inaprubahan ng Department of Budget and Management ang P150 milyong pondo para sa fuel subsidy program ng sektor ng agrikultura, kung saan tig-P50 milyon ang inilaan para sa mga magsasaka at mangingisda.










