Patuloy ang pagdadalamhati ng pamilya ng isa sa mga nasawi sa malagim na aksidente na kinasangkutan ng isang mini dump truck sa Mountain Trail Road, Barangay Bolo, Labrador, Pangasinan noong Hunyo 16, 2026.
Sa panayam ng IFM news sa anak ng isa sa biktima na tumanggi nang magpakilala, matagal na umanong may pangamba ang ilang manggagawa hinggil sa kanilang kaligtasan habang bumibiyahe.
Inihayag rin ng asawa ng isa sa nasawing manggagawa na dalawa rin nilang pinsan ang kabilang sa mga nasawi sa parehong aksidente.
Aniya, hindi pa rin niya kayang panoorin o tingnan ang mga larawan at video ng aksidente dahil sa matinding lungkot at trauma na kanyang nararanasan.
Nangako naman umano ang kompanya na magbibigay ng tulong-pinansyal para sa burol at iba pang gastusin ng pamilya.
Gayunman, hindi pa malinaw kung sasagutin ng kompanya ang lahat ng gastusin kaugnay ng insidente.
Para sa pamilya, bukod sa tulong-pinansyal— hustisya ang kanilang pangunahing hinihiling para sa mga biktima ng aksidente.
Inilarawan ng biyuda ang kanyang asawa bilang isang mabait, masipag, at responsableng tao na laging handang tumulong hindi lamang sa kanilang pamilya kundi maging sa mga kamag-anak, kapitbahay, at mga katrabaho.
Sa ngayon, nananawagan ang mga kaanak ng mga biktima ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan sa insidente.
Hiling din nila na sagutin ang lahat ng kaukulang gastusin ng mga naapektuhan at paigtingin ang pagpapatupad ng mga safety measures upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa hinaharap.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang tunay na sanhi ng aksidente.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







