Monday, April 27, 2026

Kawani ng BIR na sangkot sa money laundering, hinatulang guilty ng korte —DOJ

Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na nakakuha sila ng paborableng ruling para hatulan ang kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng multiple counts ng money laundering.

Ito ay kaugnay sa reklamo ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat laban kay BIR Revenue Officer IV Flora Sarau Albao ng Zamboanga City.

Nahaharap siya sa mga kasong direct bribery, robbery with intimidation at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act matapos na mahuli sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI).

Inireklamo siya ng extortion o pangingikil ng aabot sa kalahating milyong piso dahilan upang makipagtulungan ang NBI sa AMLC.

Ayon sa DOJ, lumabas sa imbestigasyon ng AMLC na may 36 bank accounts si Albao kahit nasa Salary Grade 19 lamang siya o katumbas ng halos P50,000 kada buwan na sahod.

Napatunayang guilty si Albao sa multiple counts ng money laundering na may hanggang 13 taon na pagkakakulong para sa unang anim na kaso na may kalakip na P3 million na multa sa bawat bilang.

Habang apat hanggang anim na taong pagkakakulong naman at P1.5 million na multa sa bawat count sa natitirang anim na kaso.

Ayon kay Justice Secretary Eric Vida, inaasahan ang mataas na integridad sa mga nagseserbisyo-publiko.

Facebook Comments