
Kinumpirma ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naghain sila ng criminal complaint sa Department of Justice (DOJ) laban kina dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, asawang si Mylah Roque at Percival Ortega.
Ito ay kaugnay sa umano’y tax violations sangkot ang Biancham Holdings and Trading, Inc.
Ayon sa BIR, lumabas sa kanilang imbestigasyon na nabigo ang respondents na maghain ng tax returns at bayaran ang tamang buwis sa paglilipat ng shares of stock at sa increase sa authorized capital stock.
Aabot anila sa mahigit P3.35 million ang total estimated tax deficiency kasama na ang surcharge at interes.
Nakitaan umano ng probable cause para sampahan ang tatlo kabilang ang mag-asawang Roque ng willful attempt to evade taxes at failure to file tax returns sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997.
Sabi ng BIR, nasa kalahating milyon hanggang P10 million ang maaaring ipataw na multa sa mga sangkot sa tax evasion sa ilalim ng batas.
Sinabi ni BIR Commissioner Charlito Mendoza na ang paghahain nila ng reklamo ay bahagi ng programang paghahabol sa tax evaders sa bansa at ginagawang reporma ng ahensiya.










