
Iginiit ng Korte Suprema na napapaso ang kasong cyber libel sa loob ng isang taon mula nang matuklasan ito.
Sa resolusyon na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, ibinasura ng Supreme Court En Banc ang magkahiwalay na motion for reconsideration na inihain nina Berteni Causing at ng Office of the Solicitor General.
Ito ay matapos maghain noong December 2020 ng reklamong cyber libel si House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez laban kay Causing kaugnay ng mga Facebook post nito na nag-aakusa sa kaniya na umano’y nagbulsa ng mahigit PHP 200 million na relief goods para sa mga biktima sa Marawi.
Ayon kay Hernandez, natuklasan niya ang mga naturang post noong February 4 at April 29, 2019.
Isinampa naman ito sa Regional Trial Court noong May 2021, pero naghain si Causing ng mosyon para igiit na napaso na ito dahil umabot na ng mahigit isang taon mula nang mai-post.
Tinanggihan naman ng SC ang hiling ng OSG na gawing 15 taon ang prescriptive period at ang argumento ni Causing na dapat magsimula ito sa petsa kung kailan ang publication.
Kaugnay nito, pinagtibay ng Kataas-taasang Hukuman na hindi hiwalay na krimen ang cyber libel kundi isang anyo lang ng libel sa ilalim ng Revised Penal Code.
Nagsisimula rin anila ang bilang ng isang taon mula sa pagkakatuklas ng krimen at hindi sa petsa ng pag-post.
Samantala, sinabi ng Supreme Court na kapag hindi malinaw ang mga batas ukol sa prescription o pagkakapaso ng mga krimen ay dapat itong desisyunan pabor sa akusado.










