
Nagtungo ngayong araw sa Department of Justice ang whistleblower sa kaso ng mga nawawalang sabungero na si Julie Patidongan o alyas totoy.
Tumangging magbigay ng detalye si Patidongan maging ang kaniyang abogadong si Atty. Manuel Ventura kung ano ang pakay ng kanilang pagpupulong na tumagal nang ilang oras.
Noong Marso nang bumisita rin sa DOJ sina Patidongan at ang abogado ni Atong Ang na itinuturong mastermind sa pagkawala ng mga sabungero.
Kinumpirma noon ni Atty. Gabriel Villareal, abogado ni Ang na nag-recant umano si Patidongan sa mga testimonya nito sa isang kaso para aniya idiin ang kaniyang kliyente.
Una nang sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na maaari pa ring isagawa ang preliminary investigation habang umuusad ang kaso sa korte dahil hindi nito maaapektuhan ang mga ebidensiya.










