
Arestado ng pulisya ang isang babae na nambugbog sa isang 4 na taong gulang na bata sa Brgy. Western Bicutan, Taguig City, Lunes ng hapon.
Kinilala ang suspek na si alyas “Tolitz ,28 years old na nakuhanan ng video ng isang concerned citizen na binubugbog ang nasabing bata na anak ng kanyang kinakasama.
Ayon kay Police Captain Ibralen Delos Angeles Jain, hepe ng Women’s and Children Protection Desk ng Taguig City Police Station, humingi ng tulong ang tiyuhin ng batang biktima sa pulisya matapos itong makatanggap ng text patungkol sa ginagawa ng nasabing suspek sa bata.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatalo ang ina ng biktima ang nasabing suspek na nakainom din ng panahon na iyon kung saan ibinaling nito sa bata ang kanyang galit.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Taguig City Social Welfare and Development Office ang nasabing batang biktima.
Habang bukod sa suspek ay sasampahan din ng kasong paglabag sa R.A. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang ina ng biktima dahil tumanggi itong sampahan ng kaso ang kanyang kinakasamang suspek.










