BAGAL NG DPWH PROJECTS SA BINMALEY, SINITA NG ALKALDE; PROPER COORDINATION, HINILING

Nanawagan ng mas masusing pag-aaral at maayos na koordinasyon sa pagpapatupad ng mga national government infrastructure project sa Binmaley, Pangasinan kasunod ng mga problemang muling nalantad dahil sa epekto ng Habagat.

Sa panayam ng iFM News Dagupan, sinabi ng alkalde ng Binmaley na hindi lamang pagtatayo ng proyekto ang dapat pagtuunan ng Department of Public Works and Highways o DPWH, kundi maging ang posibleng epekto nito sa daloy ng tubig, coastal areas at mga komunidad.

Kinuwestyon ng alkalde kung sapat bang napag-aaralan ang natural na takbo ng tubig bago ipatupad ang ilang proyekto, partikular sa mga lugar na nakararanas ng pagbaha at iba pang epekto ng masamang panahon.

“Napapag-aralan ba nila ang mismong takbo ng tubig? O ’di kaya napapag-aralan nila sa dagat kung anuman ’yung mga proyekto na gagawin nila diyan?”

Binanggit din ng alkalde ang isang tulay na matagal na umanong ginagawa ngunit hanggang ngayon ay hindi pa natatapos.

Aniya, dapat ding matukoy kung may epekto sa mga komunidad ang matagal na konstruksyon at kung bakit umaabot nang ilang taon ang pagkumpleto ng ilang national projects sa bayan.

“Hindi ko na maintindihan kung ilang taon matatapos ang mga proyekto sa national, lalo-lalo na dito sa amin.”

Iginiit din ng alkalde na hindi dapat maging dahilan ang panahon upang tuluyang matigil o maantala nang matagal ang mga proyekto. Aniya, kung may bahagi ng proyekto na pansamantalang hindi maaaring trabahuhin dahil sa ulan, maaaring ituon muna ang trabaho sa ibang bahagi na maaari namang gawin.

Isa pa sa nakikitang problema ng lokal na pamahalaan ang kakulangan umano sa proper coordination bago at habang isinasagawa ang ilang proyekto.

Ayon sa alkalde, may pagkakataong nagsisimula ang mga gawain nang hindi malinaw sa lokal na pamahalaan ang kabuuang plano, kabilang ang mga lugar na maaapektuhan at kung naayos na ang mga kinakailangang usapin sa mga property na madadaanan ng proyekto.

Dahil dito, hiniling niya ang mas malinaw na koordinasyon sa pagitan ng barangay, municipal government, provincial government at national government bago ipatupad ang malalaking infrastructure projects.

Para sa alkalde, mahalagang hindi lamang matapos ang proyekto kundi matiyak munang naaayon ang disenyo nito sa aktuwal na kondisyon ng lugar at hindi ito magiging dagdag na problema sa pagbaha at iba pang epekto ng Habagat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments