Sinimulan na ng Waste Management Division at City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO ng Dagupan City ang paglilinis sa mga namuong lumot at putik sa mga kalsada na dulot ng pagbaha.
Isinagawa ang paglilinis nitong Martes, Setyembre 15, 2026, matapos kumapit ang lumot at putik sa mga concrete na kalsada at pathway sa lungsod.
Pinangunahan ito ng mga kawani ng WMD at CDRRMO gamit ang walis tingting, scrub at water pump upang maalis ang mga namuong lumot.
Ayon kay Marissa Cernardo, kawani ng WMD, pinaghalong lumot at putik ang kanilang nililinis sa mga kalsada at pathway upang maiwasan ang anumang aksidente na maaaring idulot ng mga ito.
Sa kasalukuyan, natapos na ang paglilinis sa pathway sa harapan ng Plaza ng Dagupan at sa harapang bahagi ng West Central Elementary School 1.
Dahil dito, maayos nang madadaanan ang mga lugar, lalo na ng mga estudyante at guro, kasabay ng pag-unti ng pagbaha sa lungsod.
Matatandaan na ilang linggong pagbaha ang naranasan sa bahagi ng Downtown, Dagupan City dahil sa naging tuloy-tuloy na pag-uulan na dalang habagat maging pag-apaw ng tubig mula sa mga kailugan dahilan upang mapilayan sa kita ang marami sa mga vegetable vendors at maliliit na negosyante. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








