
Iginiit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na dapat tiyaking mapapanagot din sa flood control scandal ang mga nasa executive department.
Reaksyon ito ni Tinio makaraang ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang plano ng Ombudsman na sampahan ng patung-patong na kaso si dating House Speaker Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.
Diin ni Tinio, hindi patas at hindi makatwiran na tanging mga mambabatas lamang ang hinahabol kaugnay sa maanumalyang flood control projects at tila pinoproteksyonan ang mga nasa ehekutibo.
Paliwanag ni Tinio, hindi mangyayari ang napakalaking korapsyon sa flood control projects kung hindi nagsabwatan ang lehislatura at ehekutibo.
Inihalimbawa ni Tinio ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na siyang nagpatupad sa mga proyekto at Department of Budget and Management (DBM) na siya namang nag-release ng pondo at lahat sila ay nasa ilalim ng pangulo.










