
Hindi uubra ang suhestyon ni Senator-judge Robin Padilla na huwag maging one-sided at sa halip ay maging neutral o walang pinapanigan ang House prosecution panel sa impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House lead prosecutor Batangas Rep. Gerville Luistro, malinaw sa Konstitusyon na ang tungkulin ng prosekusyon ay ang maghain ng impeachment case na suportado ng mga ebidensya habang trabaho naman ng defense team na ipagtanggol ang respondent.
Bunsod nito ay ipinunto ni Luistro, na nakakapagtaka kapag naging neutral ang prosecution at lalong nakakapagtaka kung ipagtatangol nila ang respondent na si VP Duterte.
Diin ni Luistro, ang dapat maging neutral ay ang mga senator-judges ng Impeachment Court.
Sinang-ayunan naman ni House private prosecutor Atty. Lorna Kapunan ang sinabi ni Luistro at humingi rin siya ng paumanhin kung sa akala ni Padilla ay hindi siya nirerespeto.
Kasabay nito ay binanggit ni Kapunan na pinapahalagahan nila si Padilla na siyang nagbibigay-kulay, surprise at excitement sa impeachment trial kaya nagigising silang lahat kapag ito ay nagbibigay ng manifestation.










