Pormal nang binuksan ang bagong Barangay Hall ng Palua sa Mangaldan noong Hunyo 6 sa pangunguna ni Fourth District Congresswoman Gina de Venecia.
Hindi lamang isang karaniwang gusaling pampamahalaan ang bagong Barangay Hall dahil tampok dito ang sining, kultura, at kasaysayan ng bayan ng Mangaldan sa mismong disenyo nito.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Congresswoman de Venecia na ang proyekto ay konsepto ng kanyang anak na si dating Congressman Toff de Venecia, na matagal nang nagsusulong ng pagtatayo ng mga pampublikong gusaling may kasamang elemento ng sining at kultura upang higit na maipakita ang pagkakakilanlan ng mga komunidad.
Ayon kay Congresswoman de Venecia, ang makukulay na decorative panels ng gusali ay bunga ng programang PINTA: Barangay By Design, isang patimpalak na nagbigay ng pagkakataon sa mga lokal na artista na makibahagi sa paghubog at pagpapaganda ng kanilang komunidad.
Ang disenyo ng mga panel ay likha ni Architect Joy Mosarbas. Tampok dito ang mga simbolo ng Mangaldan tulad ng Simbahang Katolika, Pindang Festival, kalabaw, at sistemang irigasyon bilang pagkilala sa agrikultura at mayamang kulturang bumubuo sa pagkakakilanlan ng bayan.
Samantala, ang mismong gusali ay idinisenyo ng Barchan Architects gamit ang mga lokal na materyales gaya ng bricks, upang higit na maipakita ang koneksyon nito sa komunidad at sa mga mamamayan ng Mangaldan.
Binigyang-diin ni Congresswoman de Venecia na buong puso niyang sinuportahan ang proyekto mula sa simula hanggang sa matapos ito. Aniya, ang bagong Barangay Hall ng Palua ay patunay na maaaring magsanib ang mahusay na serbisyo publiko at pagpapahalaga sa sining at kultura.
Ipinahayag din niya ang pag-asang magsisilbing inspirasyon ang gusali sa mga residente ng Palua bilang isang pasilidad na hindi lamang para sa serbisyo ng pamahalaan kundi nagsasalaysay rin ng kasaysayan, kabuhayan, at mga pagpapahalagang ipinagmamalaki ng mga Mangaldanian.
Ayon naman kay Barangay Captain Pelita Villanueva, espesyal ang bagong Barangay Hall dahil natatangi ang disenyo nito at sadyang nilikha para sa Palua at sa buong bayan ng Mangaldan.
Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat si Congresswoman de Venecia sa mga mamamayan ng Mangaldan para sa pagmamahal at pakikiramay na ipinakita nila sa kanilang pamilya.
Aniya, ang alaala at pagmamahal ng yumaong dating Speaker Jose de Venecia Jr. sa mga taga-Mangaldan ang patuloy na nagbibigay inspirasyon sa kanya at sa kanilang pamilya upang ipagpatuloy ang tapat at makabuluhang paglilingkod sa publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






