Kalusugan ang isa sa pinakamahalagang usaping inaasahang matalakay sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA), kung saan nananawagan ang maraming Pilipino ng mas maayos na serbisyong medikal, sapat na gamot, makabagong kagamitan, at dekalidad na mga pasilidad sa mga pampublikong ospital.
Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Dr. Abegail Diaz-Inluan, North Luzon President ng Philippine Hospital Association (PHA), sinabi niyang isa sa kanilang pangunahing layunin ang pagpapalawak ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) upang maihatid ang mga serbisyong pangkalusugan hanggang sa mga grassroots o malalayong komunidad.
Samantala, ayon sa panayam ng IFM News Dagupan sa ilang residente mula sa mga lalawigan, isa sa kanilang pangunahing hinaing ang kakulangan ng mga pampublikong ospital, health centers, at mga espesyalistang doktor sa kanilang lugar. Dahil dito, kinakailangan pa nilang bumiyahe patungo sa mga bayan o lungsod upang makapagpatingin at makapagpagamot. Umaasa silang mabibigyang-priyoridad sa SONA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. ang pagtatayo ng mas maraming pampublikong ospital at ang pagpapalapit ng mga serbisyong medikal sa mga barangay at probinsiya.
Isa rin sa mga pangunahing daing ng mga senior citizen ang pagkakaroon ng sapat at libreng maintenance medicines. Ayon sa ilan sa kanila, nahihirapan silang bumili ng kanilang mga gamot dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga ito at sa kakulangan ng kanilang pinagkukunan ng panggastos. Umaasa silang mapalalawak pa ng pamahalaan ang mga programang nagbibigay ng libreng gamot at iba pang serbisyong pangkalusugan upang maipagpatuloy nila ang kanilang gamutan at mapanatili ang kanilang kalusugan.
Ganito rin ang hinaing ng ilang persons with disabilities (PWDs). Ayon sa mga nakausap ng IFM News Dagupan, nahihirapan silang tustusan ang gastusin para sa regular na check-up, maintenance medicines, therapy, at iba pang kinakailangang gamutan. Dahil limitado ang oportunidad sa trabaho para sa mga may kapansanan, marami sa kanila ang walang sapat na kita upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangang medikal. Umaasa silang mapapalawak ang mga programang nagbibigay ng libreng serbisyong medikal, gamot, rehabilitasyon, at kabuhayan para sa sektor ng PWD.
Samantala, inilahad ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa ulat ang malaking kakulangan ng bansa sa healthcare workforce. Ayon sa komisyon, mayroon lamang 21.2 healthcare workers sa bawat 10,000 Pilipino, na mas mababa sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na 44.5 healthcare workers kada 10,000 populasyon. Dahil dito, tinatayang nangangailangan ang Pilipinas ng humigit-kumulang 290,000 karagdagang healthcare professionals upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa serbisyong pangkalusugan.
Binigyang-diin din ng EDCOM II na kinakailangang baguhin ang kasalukuyang sistema sa paghahanda ng healthcare workforce. Inirekomenda nito ang mas malawak na koordinasyon sa pagitan ng Department of Health (DOH), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang mapalawak ang scholarship programs, mapahusay ang mga pasilidad sa pagsasanay ng mga health professional, at marepaso ang ilang licensure policies na nagiging hadlang sa mas mabilis na pagpasok ng mga kwalipikadong manggagawang pangkalusugan sa serbisyo.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng pangangailangan sa serbisyong medikal, umaasa ang maraming Pilipino na mabibigyang prayoridad sa SONA ang pagpapalakas ng sektor ng kalusugan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga ospital at health centers, pagpaparami ng mga doktor, nars, at iba pang healthcare workers, pagpapalawak ng access sa libreng gamot, at pagpapabuti ng mga pasilidad at kagamitang medikal upang maging mas mabilis, mas abot-kaya, at mas accessible ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







