Isa rin sa inaabangang usapin ng mamamayang Pilipino sa magaganap na State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang tungkol sa usapin ng pagpapalakas sa transparency, accountability, good governance at kampanya laban sa mainit na isyu ukol sa korapsyon.
Ayon sa ilang Pangasinense, dapat umanong mapagtuunan ito dahil saklaw ng maayos na pamamahala ang resulta rin ng mga isinasagasawang programa at proyekto.
Dapat din umano na humarap sa mamamayan ang sino mang masasangkot sa umano’y mga anomalya o di kaya’y katiwalian upang maipamutawi ang accountability at nang sa gayon ay malinawan din ang mamamayang Pilipino sa kung ano na nga ba ang nangyayari sa pondo ng bayan at sa mga proyektong pinaglaanan nito.
Patuloy naman na isinusulong ng pamahalaan ang iba’t ibang programa at reporma upang mapalakas ang mabuting pamamahala o good governance, labanan ang korapsyon, at mapabuti ang serbisyo publiko para sa lahat ng mamamayan.
Isa sa mga pangunahing hakbang ay ang pagsusulong ng Right to Information (RTI) Act sa Kamara. Layunin ng panukalang batas na gawing mas bukas at mas madaling ma-access ng publiko ang impormasyon mula sa pamahalaan. Ayon sa mga tagasuporta nito, ang higit na transparency ay makatutulong upang mabawasan ang katiwalian at mapalakas ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno.
Kasabay nito, hinihikayat din ang lahat ng ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan (LGUs) na makiisa sa Open Government Week. Itinatampok ng programang ito ang kahalagahan ng transparency, pananagutan (accountability), at aktibong pakikilahok ng mamamayan sa pamamahala.
Samantala, muling iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nananatiling pangunahing prayoridad ng administrasyon ang kampanya laban sa korapsyon.
Binigyang-diin niya na ang katiwalian ay nagpapahina sa mga institusyon ng pamahalaan at nagiging hadlang sa maayos at mabilis na paghahatid ng mga serbisyong pampubliko.
Iniulat naman ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na nakapagtala ito ng 99% complaint closure rate at nakapagsampa ng daan-daang kaso laban sa mga tiwaling opisyal. Bahagi ito ng mas pinaigting na pagpapatupad ng pananagutan at paglaban sa red tape sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Upang higit pang mapahusay ang serbisyo publiko, nananawagan ang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan na pabilisin ang digitalization ng kanilang mga serbisyo.
Sa pamamagitan nito, inaasahang mababawasan ang red tape, mapipigilan ang mga pagkakataon para sa korapsyon, at magiging mas mabilis ang pagproseso ng mga permit at iba pang mahahalagang dokumento.
Ayon din sa Department of Budget and Management (DBM), mahalagang isulong ang mga reporma sa badyet at mga open government initiatives upang maging mas mahusay, mas transparent, at mas responsable ang paggamit ng pondo ng bayan.
Umaasa ang mga Pilipino na mapag-uusapan din at maihahayag sa magaganap na SONA ang mga naturang usapin sa pamamahala, transparency, at korapsyon nang sa gayon ay maging malinaw umano sa nakararami ang tunay na stado ng pamamaraan ng mga opisyal sa kanilang paghahatid serbisyo at tunay na nakapagbibigay ng mga konkretong solusyon sa mga suliraning kinahaharap ng bawat Pilipino—mula sa mga purok hanggang sa pambansang isyu. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








