
Sinuspinde ng Korte Suprema sa loob ng isang taon si Atty. Jesus Falcis III dahil sa paggamit ng mga hindi magandang salita sa social media.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez, hinatulang guilty ng Second Division ng simple misconduct si Falcis dahil sa isang post sa X kung saan minura niya ang mga taong naniniwala sa alegasyon ni Kris Aquino laban sa kaniyang kapatid.
Si Atty. Jess ang kumatawan bilang abogado ng kapatid na si Nicko sa reklamong qualified theft na isinampa noon ng aktres.
Ayon sa Korte Suprema, may kalayaan sa pamamahayag ang mga abogado pero may hangganan ito dahil sa kanilang sinumpaang tungkulin at responsibilidad bilang mga miyembro ng Bar.
Sinabi rin ng Korte na sa halip na gumamit ng legal na argumento, pinili ni Falcis na atakehin ang mga tagasuporta ni Aquino at gumamit ng terminong “dilawan,” na lalo umanong nagpapalalim ng political division.
Inirekomenda ng Integrated Bar of the Philippines na pagmultahin si Falcis pero mas mabigat ang ipinataw na parusa ng SC dahil na rin sa mga naunang paglabag nito.
Nagpaalala naman ang Korte Suprema sa lahat ng abogado na panatilihin ang mataas na pamantayan ng asal at pag-uugali, maging sa personal na buhay at sa social media.










