Habang papalapit ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sari-saring kumento at reaksyon ang naging tugon ng mga Pangasinense sa kasalukuyang estado ng ekonomiya sa bansa.
Isa sa mga nagbigay ng panayam si tatay Ernesto na residente ng Dagupan City. Aniya, dapat umanong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga programang makapagbibigay ng solusyon sa inflation at kapakanan ng publiko.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 4.8% ang inflation sa Pangasinan noong June 2026 mula 5.6% noong May, ang ikalawang sunod na buwang pagbagal ng inflation.
Mas mababa rin sa 4.6% ang inflation para sa bottom 30% income households mula sa 5.4% noong nakaraang buwan.
Sa kabila nito, nananatiling mas mataas ang inflation kumpara noong June 2025 na 2.5% lamang. Ibig sabihin, kahit bumabagal na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay patuloy pa ring nakararanas ng mataas na gastusin ang mga pamilya, lalo na sa pagkain.
Kabilang din sa mga dagok na nararanasan ng nakararami ang pagtaas ng presyo ng krudo.
Nagsimula ang serye ng malalaking oil price hike noong Marso 31, 2026. Ipinatupad ang pinakamalalaking oil price hike ngayong taon noong Hulyo 21, kung saan umabot sa ₱10.68 kada litro ang dagdag sa diesel, ₱11.77 kada litro sa kerosene, at ₱3.65 kada litro sa gasolina.
Batay sa mga ulat ng PSA, ang mas mataas na presyo ng produktong petrolyo ay isa sa mga salik na nagtutulak sa pagtaas ng inflation.
Labis ring naapektuhan nito ang mga estudyante na limitado ang budget sa pang-araw-araw na pagpasok sa eskuwelahan katulad ng mga senior high students na sina ‘Sam’ at ‘Zy’, hindi nila tunay na pangalan.
Naaapektuhan umano ang kanilang pag-aaral kapag lumalaki ang gastusin sa pagkain at iba pang gamit sa paaralan.
Sa pambansang antas, nakalikha umano ang ekonomiya ng humigit-kumulang 220,000 bagong trabaho noong Abril 2026.
Gayunpaman, nananatiling mabigat ang mga hamon para sa mga negosyante at mamimili dahil sa mataas na gastos sa operasyon, logistics at transportasyon.
Sa kabuuan, ipinakikita ng mga pinakahuling datos na unti-unting bumubuti ang takbo ng ekonomiya ng Pangasinan, ngunit hindi pa ito ganap na nararamdaman sa pang-araw-araw na pamumuhay ng iba’t ibang sektor ng komunidad.
Habang bumabagal ang inflation at lumalawak ang suporta sa maliliit na negosyo, nananatiling mataas ang presyo ng maraming pangunahing bilihin at patuloy na hinahanap ng mga Pangasinense ang mas konkretong solusyon para sa kanilang kabuhayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








