
Ipinasasaayos ni Senator Christopher “Bong” Go sa PhilHealth ang pagpapatupad ng mga bagong panuntunan sa pagsaklaw sa mga taong may kapansanan o PWDs.
Kasunod ito ng pagpapatupad ng PhilHealth circular number 2026-0017, na nagtatakda ng mga pamamaraan sa registration, validation at premium contribution ng mga PWD sa ilalim ng National Health Insurance Program para matiyak na lehitimo at tunay ang nangangailangan.
Sinabi ni Go na mahalagang malinaw na maipaliwanag sa publiko kung sino ang kuwalipikado, ano ang mga kailangang dokumento, at saan maaaring lumapit upang makuha ang mga benepisyo.
Hindi rin aniya dapat mahirapan ang mga PWD sa pagkuha ng benepisyo lalo na ang mga may dagdag na gastusin sa gamot at pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa ilalim ng bagong panuntunan, awtomatikong saklaw ng PhilHealth ang mga Pilipinong PWD na nakatala sa opisyal na PWD registry, anuman ang edad, kasarian, ethnicity o kalagayang pangkabuhayan.
Maaari naman silang magparehistro sa pamamagitan ng kanilang local government unit o LGU, partikular sa Persons with Disability Affairs Office o kaya ay dumiretso sa pinakamalapit na PhilHealth local health insurance office bitbit ang mga kinakailangang requirements.
Conde Batac, RMN Manila










